ANG ubo ay puwedeng dahil sa trangkaso (flu), sipon, allergy, sigarilyo, pulmonya (pneumonia), namamagang tonsils at tuberculosis. Sa mga sakit na ito, ang pulmonya at tonsillitis ay nangangailangang inuman ng antibiotics. Ang tuberculosis naman ay ginagamot sa loob ng 6 na buwan. Subalit para sa pangkaraniwang sanhi ng ubo, heto ang dapat gawin:
1. Uminom ng 8-12 basong tubig – Pinalalabnaw ng tubig ang madidikit na plema.
2. Uminom ng mainit na salabat o sabaw ng manok – Ang pag-inom naman ng mainit na sabaw ay nagpapaluwag din ng mga tubo natin sa baga.
3. Itigil ang paninigarilyo – Umiwas din sa mga bisyo.
4. Uminom ng Vitamin C para lumakas ng ating immune system.
5. Uminom ng tsa-a na may honey at lemon. Mabisa ang honey sa pagkalma ng naiiritang lalamunan. Ang lemon ay may vitamin C.
6. Umiwas sa nakaka-allergy na bagay – Maraming ubo ang nanggagaling sa allergy. Puwedeng magka-allergy sa usok, sa balahibo ng pusa at aso, sa matatapang na pabango, at sa mga pollen ng mga halaman.
7. Gamot para sa ubong may plema – Puwede ding uminom ng mga gamot tulad ng carbocisteine, ambroxol at lagundi para lumabnaw ang plema. Ngunit huwag ganoong umasa sa mga ito. Tubig pa rin ang mas mabisa.
8. Gamot para sa tuyong ubo – Para sa nakaiistorbong ubo, uminom kayo ng butamirate citrate (brand name Sinecod). Mabisa ito. Kung allergy naman ang dahilan ng ubo, puwede and Diphenhydramine.
9. Isinga ang sipon. Kung ika’y may sipon, suminga ng madalas para hindi tumulo ang sipon sa iyong lalamunan.
10. Umiwas sa mausok na lugar – Puwedeng sumakay sa mga air-con na bus at jeep. Huwag din gaanong maglakad sa lansangan. Umiwas din sa mga taong naninigarilyo.
11. Lumanghap ng mainit at basang (moist) hangin – Pinapaluwag nito ang plema sa ating baga. Puwede kang magpakulo ng tubig sa iyong kuwarto. Puwede ka rin manatili sa banyo kung saan dumadaloy ang mainit na shower o gripo. Ang usok nito ay nagpapalabnaw ng iyong plema. Isa pang paraan ay ang paglanghap ng mainit na usok ng tubig sa ibabaw ng hugasan (sink) o sa kaldero.
12. Tingnan kung may iniinom kang gamot na Ace-inhibitor para sa altapresyon – Puwede itong magdulot ng ubo. Ito ay ang mga gamot na nagtatapos sa salitang “-pril,” tulad ng imidapril, enalapril, at iba pa. Itanong sa iyong doktor.
13. Maglagay ng 2 unan sa gabi – Kung may allergy ka o sipon, makatutulong ang paghiga ng medyo mataas at maglagay din ng unan sa ilalim ng iyong hita.
14. Gamutin ang nangangasim na sikmura – Puwedeng magdulot din ng pag-ubo ang asido na galing sa sikmura.
15. Magpabakuna laban sa flu at pulmonya kung ika’y lampas ng edad 60.
16. Umiwas sa sakit – Kung ika’y may mga sakit na tulad ng altapresyon at diabetes, umiwas sa nakapapagod na gawain at pagpunta sa polluted area.
17. Magpahinga at matulog ng mahaba – Ito ang pinakamabisang payo sa lahat para maka-recover ang iyong katawan. Good luck po!