Lagi na lang akong mag-isa, laging walang kasama. Ako'y nakikiusap sa inyo -- maaari niyo ba akong tulungan? Nakikiusap ako, buong-pusong nagsusumamo!
Umupo na ako malapit sa bintana, sa pinakadulong bahagi ng bus na ito. Walang nais umupo sa tabi ko at kung meron man, mga istranghero at kung ano pa. Ako lang ang nag-iisa sa lugar na ito, sa sasakyang ito. Lahat ay may mga kasama -- mga magulang, mga pamilya, mga kasintahan, mga kaibigan, o kung sino pa habang ako, wala man kakilala. Ayaw nilang lahat sa akin dahil hindi ako sikat, mahiyain ako, at isang dukhang nagnanais mapansin. Walang kasalanan ang mundo sapagkat ako'y ipinanganak na ganito. Siguro nga, ito na ang nakatadhana para sa akin. Pipili pa ba ako kung wala na akong pagpipilian?
Lahat ng meron ako ay isa-isang nawala. Si Inay at Itay, namatay dahil sa kasakiman ng mga tao sa paligid namin. Si Kuya ay lumayas sa aming munting kubo upang makipagsapalaran sa ibang mundo at upang takasan ang trahedyang aming nasaksihan. Ang mga kapitbahay namin na akala ko noong una ay nagmamalasakit sa amin ay unti-unti kaming tinatalikuran. Ngayon, ako'ty sadyang nag-iisa na. Wala na!
Ano pa nga bang kailangan kong gawin upang ako'y makahanap ng kahit isa man lang kasama? Kaya ngayo'y ako'y nananawagan sa madla.
Sino sa inyo ang makakayang samahan sa buhay ang isang maralitang puno ng kapangitan ang mukha? Ang balat ay mangitim-itim na dulot ng matinding sikat ng araw na hindi ko makayang taguan. Ang mga ngipin ay isa-isa nang nahihinog, ang mukha'y sinisira ng mga duming nakakalat sa aking munting higaan, ang katawa'y mahina dahil sa kawalan ng pagkain.
Maaari mo ba akong samahan? Nakikiusap ako, buong pusong nagsusumamo. Maaari ka bang huminto saglit sa aking tapat at ako'y damayan? Maaari ka bang umupo sa tabi ko at tulungang pawiin ang poot, kalungkutan at kawalan sa kaibturan ng aking puso? Maaari ba?