Almoranas At Sugat Sa Puwit (Hemorrhoids)
Napakarami ang may almoranas (hemorrhoids o piles sa Ingles). Pagdating ng edad 50, mga 50% ng tao ay may almoranas na.
Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo. Ang sintomas ng almoranas ay ang pagsakit at pagdurugo (pulang dugo) kapag dumudumi. Makakapa din ang almoranas sa puwitan.
Mga sanhi (o risk factors) sa almoranas:
1. Namamana ang almoranas sa ating magulang.
2. Ang pagtitibi at pag-iire ang pangunahing sanhi nito. Kumain ng maraming gulay at prutas para lumambot ang dumi.
3. Ang pagire sa panganganak ay nagpapa-almoranas din.
4. Ang pagkain ng mga maaanghang at spicy foods ay nakaiirita sa almoranas.
Solusyon sa almoranas at sugat sa puwit:
1. Palambutin ang dumi. Kumain ng mga prutas tulad ng papaya, pakwan at ubas na nagpapalambot ng dumi. Damihan ang pagkain ng gulay (mataas ang fiber ng mga ito) at bawasan ang karne. Uminom din ng 8-12 basong tubig. Huwag umasa sa gamot na pampadumi tulad ng bisacodyl tablets dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
2. Huwag umire sa banyo. Ang pag-iire ang talagang nagpapalala ng almoranas. Huwag piliting makadumi kung ayaw pang lumabas ang dumi. Subukan muna na maglakad-lakad at mag-ehersisyo para bumilis ang galaw ng bituka.
3. Huwag magbasa ng diyaryo, magasin at komiks sa kubeta. Umupo lamang kapag malapit nang lumabas ang dumi.
4. Gumamit ng petroleum jelly. Kung matigas ang iyong dumi, puwede mong pahiran ng petroleum jelly ang loob ng puwit. Ayon kay Dr. Edmund Leff, isang colorectal surgeon, nagpapadulas ito sa paglabas ng dumi.
5. Gumamit ng basang tissue paper o tabo ng tubig pagkatapos dumumi. Huwag gumamit ng tuyong tissue dahil baka magasgas lang ang almoranas.
6. Maging malinis sa katawan. Hugasan maigi ang puwit para hindi maimpeksyon.
7. Huwag kamutin ang almoranas kahit ito’y makati. Baka masugat mo lang ito.
8. Huwag magbuhat ng mabibigat na bagay. Ang stress ng pagbubuhat ay katumbas na ng pag-iire sa banyo. Magpatulong sa iba.
9. Huwag umupo o tumayo ng matagal. Nagdudulot din ito ng almoranas. Kailangan ay papalit-palit ang puwesto natin para hindi ma-pressure ang almoranas.