gumawa tayo ng kasunduan…
Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan, at patatawarin kita, sa hindi mo pagluha.
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsasalita.
Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis, at patatawarin kita, sa hindi mo pananatili.
Patawarin mo ako sa hindi ko sa ‘yo paglimot, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagpili, mahal.
Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita, sa hindi mo pagkapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita, sa hindi mo paglapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsugal.
At patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sa ‘yo, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagmamahal, mahal.
Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Para sa wakas ay matapos ko na itong tula, na masyado nang matagal nang nakatira dito.
At patawad… kung magiging masyadong mahaba, at maraming masyadong boladas.
Pero pangako: huli na ‘to… huli na ‘to… huli na ‘to…
Magsisimula ako uli sa umpisa,
sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung saan ako nakatira…
Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako…
Magsisimula ako uli sa umpisa…
Magsisimula ako uli…
Magsisimula ako…
Ito na ang huling tula na isusulat ko para sa ‘yo…
Mali!!!
Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sa ‘yo…