Wala sa edad ang kaibahan ng mahirap o mayaman na bansa. Ang India at Egypt, halimbawa, ay kapwa mahigit 2,000 taon na, pero dukha. Hindi pansinin ang Canada, Australia at New Zealand 150 taon lang ang nakalipas, pero ngayon ay mauunlad at mayayaman.
Wala rin sa natural resources ang kaibahan ng mayaman o mahirap na bansa. Ang Japan ay 80% bundok, hindi mapastolan o masaka, pero pangalawang pinaka-malaking ekonomiya sa mundo. Para siyang nakalutang na pabrika, umaangkat ng hilaw na sangkap mula sa buong mundo at nagluluwal ng buo nang produkto. Isa rin ehemplo ang Switzerland, na hindi nagtatanim ng cocoa pero gumagawa ng pinaka-masarap ng tsokolate sa mundo. Pagpapastol ang industriya niya, at apat na buwan kada taon lang natatamnan ang lupa. Maliit lang siya pero maayos, at malakas ang uring manggagawa.
Sa pag-uusap ng executives ng mayayaman at mahihirap na bansa, wala silang napapansin na kaibahan sa talino. Hindi rin mahalaga ang lahi o kulay ng balat. Ang mga migranteng sinasabing tamad dahil sa pinanggalingang bansa ay napaka-produktibo sa mga nilipatang lupa.
Kaya ano ang kaibahan? Ito’y ang asal ng mamamayan — hinubog ng panahon sa edukasyon, kultura at tradisyon. Sa mayaman at maunlad na bansa, kinikilala ng mamamayan ang ilang prinsipyo: (1) paggawa ng tama, (2) katapatan, (3) pananagutan, (4) pagsunod sa batas, (5) pagkilala sa karapatan ng kapwa, (6) kasipagan, (7) pag-iimpok at pamumuhunan, (8) Ma-imahinasyon, (9) nasa takdang oras, at (10) disiplina.
Mayaman ang Pilipinas sa natural resources, pero kapos ang Pilipino sa attitude. Sa atin walang batas o disiplina, puro makasarili.