Kasalanan ni Juan
Habang pinapanood ko ang hostage taking sa tv na naganap sa Quirino Grand stand sa luneta noong Agosto 23, panay ang usal ko ng dasal. Sana magtapos sa tahimik at matiwasay ang negosasyon, sana walang masaktan.
Hindi ko alam kung ako ay tama, at kung mali naman okay, pasensiya na tao lang po. Napansin ko kasi parang wala namang seryosong negosasyon na nangyayari, tanging si Vice mayor Isko Moreno lang ang gumawa ng effort na kausapin ang hostage taker na si Mendoza; nasaan na ang mga bida noong halalan? Marami sila noon, nasaan na si Pedro at si Juan? Idagdag mo na si Juana at Petra. Mga magaling at a-tapang- a -tao na handang damayan ang bayan ni Juan? Kaso ni isa sa mga anino nila ay wala akong nasilayan! Oo alam natin, hindi nila trabaho iyon at meron tayong mga kapulisan na siyang authorized sa pagresolba ng mga krisis kagaya ng hostage taking. Pero maano na yung isa man lang sa kanila ay nag pakitang tao man lang? Huh! Ako’y sobrang nalungkot at naiyak sa pagtatapos ng hostage drama na iyon…okay, sabihin ko na… naiyak at panay ang mura ko sa gobyerno natin. Anong nangyari? Bakit ganoon ang nangyari? Hanggang doon na lang? Pak! Tapos na patay na si Mendoza, marami nang patay na mga turista. Sa mga oras na iyon, wish ko ako si darna lilipad ako papunta sa pinangyarihan at tutulong ako sa naganap na hostage taking kaso wala akong malulon na bato na kagaya ng kay Narda. Kakainis, kakalungkot, nakakahiya ang Pilipinas! Di bale sikat naman tayo, sikat sa iba’t ibang bansa, pinag-uusapan kasi nga sikat! Sikat sa kapalpakan.
Ngayon, kaliwa’t kanan ang sisihan…kasalanan kasi ni Juan. Kasalanan ni Pedro. Diyan tayo magaling sa pagtuturo kung sino ang sino. Hay inay kupo, ilan pa kayang ganitong pangyayari para magising ang kinauukulan? Sana wala nang buhay ang magbubuwis dahil sa ganitong pangyayari. Kainin na lang muna natin ang mga mura at masasakit na salita ng mga namatayang bansa. So far, andito ako sa parte ng bansang Tsina…although broad minded naman ang mga tao dito at wala akong naramdamang pag aalipusta at takot.
Larawang nakakadagdag ng kahihiyan
Wow, tamis ng mga ngiti. Sige smile pa mga ineng.
Ayan, sikat kayo sa diyaryo dito at balita sa radyo.
Minsang lulan ako ng taxi dahil sa aking barok na pagsasalita ng Mandarin, natuwa ang drayber at tinanong kung taga saan ako. Biglang pumasok sa isip ko ang nangyari sa Quirino grandstand. Narinig ko ang sarili ko na sumagot ng “Malaysia”.
Proud ako maging isang pilipino pero sa puntong ito….nahihiya ako. Batuhin niyo na ako eh sa iyon ang nararamdaman ko.