MORAL AND VALUES LESSON

Posted on at


 
BATA ang aplikanteng manager sa malaking kumpanya. Pasado agad siya sa interviews, pero ang chairman ang huling magpapasya. Napansin nito na matataas ang grado ng aplikante mula high school hanggang post-graduate. Pero wala itong scholarship grant noon. Pumanaw ang tatay niya nang siya’y sanggol pa; si Nanay ang nagpaaral sa kanya.
 
“Ano’ng trabaho ng nanay mo?” usisa ng chairman. Kuwento ng aplikante, “Naglabada si Nanay kung saan-saan.” Kinilatis ng chairman ang mga palad ng aplikante, at napansing makinis at malambot ito.
 
“Tinulungan mo ba ang nanay mo sa paglalaba?” tanong muli. Umamin ang aplikante: “Hindi po. Gusto ni Nanay palagi ako nag-aaral at nagbabasa ng aklat; tsaka, mas mabilis siya maglaba kaysa akin.”
Tumayo ang chairman: “May pakiusap ako. Pag-uwi mo mamaya, hugasan mo ang kamay ng nanay mo, tapos bumalik ka sa akin bukas.”
 
Pakiramdam ng aplikante na malamang ay matanggap siya sa puwesto. Sa bahay, masaya niyang sinabi na lilinisin niya ang kamay ni Nanay. Nagtatakang iniabot ng matanda ang kanyang mga kamay.
 
Marahan itong hinugasan ng anak. Pumatak ang luha niya. Noon lang niya napansin na kulubot, ma-kalyo at galus-galos ang mga palad ni Nanay. Ilang sugat ay malalim; napapapikit sa kirot si Nanay kapag nadidiinan ito. Ito ang mga kamay na nagbayad ng kanyang pag-aaral.
 
Matapos linisin ang kamay ni Nanay, tinuloy ng anak ang iba pang labahin. Mahaba ang kuwentuhan ng dalawa nu’ng gabing iyon.
 
Kinabukasan napansin ng chairman ang mugtong mga mata ng aplikante. Tinanong niya kung ano ang natutunan nito kahapon. Anang aplikante: “Una, alam ko na ngayon ang pagpapa-halaga: kung hindi kay Nanay, wala akong tagumpay ngayon. Ikalawa, sa pagtulong ko sa labada, nabatid ko ang hirap ng pagsisikap niya. Ikatlo, natutunan ko ang kahalagahan ng relasyong pamilya.”
 
“’Yan ang hinahanap ko sa isang manager. Gusto ko ang nagpapa-halaga sa tulong ng iba, nakikiisa sa paghihirap ng kapwa, at hindi inuuna ang pera bilang pakay sa buhay. Tanggap ka na bilang manager.”

 



About the author

Flowzick

I am a simple man.. likes to be online and have friends. im looking for the best way to express myself and thoughts and to earn online. ^_^

Subscribe 0
160