| Photo from google |
| Language: Tagalog |
Pitong pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. Nakabuhol ang sintas sa bawat isa. Inugoy ng malakas na hangin kaya't gumewang-gewang at nagmistulang sumasayaw.
Na'sa abroad na si Levy. Tulad ko, hindi sya tapos ng kahit anong degree. Masipag at may tamang diskarte kaya't sinuwerte sa estado ng buhay. Nalungkot ako nang malaman kong nakaalis na pala sya. Walang tawag, text, o kutob man lang na natanggap ang buong tropa. Basta na lamang syang nawala. Naglaho. Nabalitaan ko nalang sa kanyang ermats, noong isang araw na makasabay ko sya sa Jeep. Byaheng Vergara. Masaya ang kwento ng kanyang Ina habang ako'y napipinitensya.
Anim na pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. May balat, rubber, at may isang pang-balerina. Natutuwa akong pagmasdan. Lalo pa nang may biglang tumawag sa aking pangalan.
Ikinasal na si Tony. Sinong hindi mag-aakala? Palibhasa'y pinanganak na chikboy. Malakas ang hatak sa mga kalahi ni Eba. Mahusay pa mambola. Excited akong um-attend sa kanyang kasal na ginanap pa sa Batangas. Maraming bisita. Maraming nakilala. Nalasing at sumayaw. Bumalik lahat ng ala-ala ng kabataan noong nagsalo kami ni Tony sa iisang mesa. Kwento pa nya, sa dami ng babaeng nakiraan sa kanyang buhay, tanging ang kanyang asawa lang daw ang syang nag-iwan ng malaking bakas sa kanyang puso. Umuwi akong masaya. Masaya din kasi si Tony.
Limang pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. May ngiti sa kanyang labi habang magkahawak ang aming kamay. Sabay naming pinagmasdan. Inalala at tsaka nagkwentuhan.
Kapiling na ng may likha si George. Kahit hanggang ngayon, parang ayoko pa din maniwala. Mabilis lang ang limang taon. Ngunit hanggang sa ngayo'y hindi ko pa din maisip ang isang inuman kung wala na ang isang kaibigang tulad nya. Ang galing nya magpatawa. Hindi sya nauubusan ng jokes. Laging may bago. Lagi pang nasa-uso ang kanyang porma. Ang kaibigang sobrang masayahin ay hindi na nakuwang tumawa noong malapit nang sumapit ang kanyang oras. Kumpleto ang barkada noon sa St. Lukes, kaso hindi masaya. Isang iglap pa'y natahimik na ang lahat. Naka-ngiting pumanaw si George. Masaya siguro. Kami? May nagpi-pyestang luha, sipon, at panghihinayang sa mukha.
Apat na pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. Para bang ayoko ng magpaalam pa. Tila ba napakabigat ng aking mga paa. Kung hindi lang dumampi ang kanyang labi sa aking pisngi siguro'y hihingi pa ako ng isang oras para mamalagi.
Masaya ang kwento ni Shara. Kasalungat ng kanyang buhay. Sira ang pamilya noong naghiwalay ang kanyang mga magulang noong kami'y bata pa. Tanda ko pa noong High School, sya agad ang una kong niligawan. May lihim na kasi akong pagtingin sa kanya noon pa man. Natuwa ako dahil sinabi nyang simulan muna namin sa deep friendship. Kaso kalaunan tinamad na ko. Natuklasan ko kasing ang deep friendship ay walang pinagkaiba sa mag-best friend. Malakas ang tawa ni Levy nun. Na'sa Singapore na si Shara. May bahay ng isang negosyanteng singaporian. Last year nagka-usap kami gamit ang makabagong teknolohiya. Lalo syang gumanda ang una kong bati. Sya nama'y "Sige ka, baka magselos sya.."
Tatlong pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. Sabay-sabay na initsa ng pitong magbabarkada. Tandang tanda ko pa. Lahat ay masaya. Bawat isa'y may simpleng pangarap. Mayroon mang hindi natupad, masasabi namang hindi pa lulubog ang araw bukas.
Nagulat ako ng mapanood ko si Rina sa telebisyon. Muntikan nang tumalsik ang iniinom kong kape sa tanghali. Ayaw maniwala ng aking mga mata kahit sampung beses ko pang kuskusin. Agaran ko syang tinext. Positibo! Ang dating mataba ngayo'y seksi na at regular na palang dancer sa isang noon time show. Kung dati'y once a year lang ako manood ng tv, ngayo'y halos maging panata na. Natatawa kasi ako kapag naalala ko si Rina noon. Wala kasi syang ginawa kundi kumain. Sa tuwing magkakasama kami, kahit walang pasok sa school palagi syang may baon. Kinamusta ko sya noong isang beses na mapadaan ako sa bahay nila. Sagot ng kanyang ama, sa condo na daw ito nakatira. Nagpaalam ako't naglakad. May kaunting na-realized. Ako nalang pala ang naiiwan.
Dalawang pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. Isa ang sa akin, at isa naman ay kay Bea. Himalang magkadikit ang amin at nakakapagtakang medyo nakahiwalay sa iba. Nakiusap ako sa kanya. Kung maari'y bigyan pa ako ng limang minuto para sariwain ang mga panahong alam ko at alam nyang hindi na maibabalik pa.
Fiance ko si Bea. Kabarkada. Tropa. At isa sa mga taong nagpagalaw at nagpaikot ng aking mundo. Huli ko nang nalaman na may pagtingin sya sa akin. At huli ko na ding nadiskubreng mahal ko rin pala sya. Marami na sa barkada ang umalis ngunit nariyan pa din sya. Hindi nawawala sa aking tabi. Handang makiramay sa lahat ng oras. Isang kaibigang alam ko na kahit sa huli ay magagawa akong pasayahin.
Bukas na ang kasal. Sa ilalim ng punong mangga ang magiging dambana. Alam kong wala ang tropa. Pero ang ala-ala ay mananatiling buhay. Wala man sila, sa isang tingala ko lang para na din silang nariyan. Masaya para sa amin. Nakangiti. Parang pitong pares ng sapatos. Isang ugoy lang ng malakas na hangin. Muling gagalaw. Muling sasayaw.
Thanks for reading :)