Tinikling

Posted on at


| Photo from google |

| Language: Tagalog |

 

Mata'y imulat, diwa'y ituon.
H'wag nang balikan pa'ng kahapon.
Isang maling indak, ika'y mababaon.
Umindak sa kung ano ba ang ngayon.

Tama ba'ng nadarama? Ligayang may kaba?
Mawalay kahit saglit, bakit nangangamba?
Nangangapa sa dilim, hinahanap hanap kita.
Nalilinlang ng isip, anong nadarama?

Haplos ng pag-asa nang kamay mo'y kumapit.
Paglapit ng iyong mukha'y sulyap sa langit.
Pagtitig sa mata'y parang Paskong sasapit.
Isang sayaw kasama ka'y walang papalit.

Humimig ang ritmo, musika'y anong lambing.
'Wag sana magwakas na tila tulog sa himbing.
Mga sandaling animo'y wakas, 'di maikukubling
Ako'y nabihag na sa sayaw mong tinikling.

Pinilit ko magising, subalit walang laban.
Kundi umalpas sa panaginip, wala ring kakayahan.
Saktan man ang sarili, sa kahit anong paraan.
Saka lang napagtanto, ikaw ri'y aking kalakasan.

Hindi man ninanais, ngunit ito lang ang sagot.
Putulin ang buhol, baka sakali'y makalimot.
Tuluyan kang alisin sa buhay na kumikirot.
Kahit maipit sa kawayan. Umalpas, mangaglikot.

Mata'y imulat, diwa'y ituon.
H'wag nang balikan pa'ng kahapon.
Isang maling pag-ibig, ika'y ibabaon.
Umindak muli sa susunod na pagkakataon.

 

Thanks for reading :)



About the author

160